Thursday, July 22, 2010

Bakit si Erap?

Arvin L. Valderrama



Bakit masaya ka noong EDSA dos? Kasi tanda ko ginataang alimango ulam namin noon. Eh bakit ganyan ang pagkakasulat mo? Dahil may nais akong kausapin na sektor ng lipunan, isa pa'y nakikita na ng mga taong nasa lupa ang mga paa ang katotohanan. Bakit naman mahaba? Madami kasing di binanggit ang media ukol sa naging kasaysayan at mahaba din ang pinagmulan kung uugatin mo. Ito last na...


Tatlong hakbang ang maaaring gawin upang mapaayon mo ang tao. Una'y tukuyin mo ang mga positibong punto, pangalwa’y bigyan mong katuwiran ang mga nakikitang negatibong bahagi, at pangatlo’y pagsamasamahin ito upang matingnan ang mas malaking imahe na naayon sa kasalukuyang isyu. Sino nga ba si ERAP at bakit siya ang na-aakmang pangulo sa 2010?

Naging aktor, alkade, senador, at pangalawang pangulo - Ito ang dinaanan niya patungong palasyo. Mula rito masasabing nagamit niya ng husto ang kanyang kasikatan bilang isang artista. At hanggang ngayon, sa kabila ng kanyang pagkakakulong, nananatili paring makapangyarihan ang kanyang estado-politikal. Ito ay uri ng karismang kakaunting tao lamang ang may taglay.

Ayon kay Niccolo Machiavelli, ang imahe ng isang demokratikong pamunuan ang nagtatakda nang kahandaan ng mamamayang makilahok sa mga aksyon gobyerno. Sa koteksto ng Pilipinas kung saan mababa ang tiwala ng bayan sa may kapangayairhan at laganap ang siraan sa politika, kailangan natin di lamang ng isang pinunong may maipagmamalaking imahe, kundi ng isa ring karismatikong pinuno. Bakit? Dahil kahit gaano pa man kalinis ang imahe ng isang tao ay laging may kapintasang maibabato sa kanya. At upang magkaroon ng pangmatagalang seguridad sa pamumuno, higit sa kasalukuyang imahe ay ang kakayahang hatakin pabalik ang tiwala ng mamamayan sa gitna ng mga kontrobersya. Ito ay napatunayan na ni ERAP, sa kanyang pagkakakulong, naghimagsik ang taong bayan noong ika-isa ng Mayo taong dalawampu’t libo’t isa kung saan maraming tao ang nasugatan at napatay. Makikita na handang mamatay ang tao para sa kanyang kapakanan kahit na matapos siyang hatulan ng pandarambong sa bayan. Kung sakaling si GMA ang nakulong, makikita din kaya ang parehong tugon ng mamamayan?

Artista lamang ang kadalasan taguri kay ERAP: di inglesero at di nakapagtapos ng kolehiyo, mga katangiang ginagamit laban sa kanya sa politika. Ganon pa man pinatunayan niyang hindi iyon balakid nang nagsimula siyang maging alkalde ng San Juan. Gamit ang kanyang kakayahan, sinalba ni ERAP ang naghihingalong bayan.

Sa unang tatlong taon pa lamang ay natriple ni Estrada ang kita ng San Juan. Wala pa man sa batas ang libreng edukasyon sa mataas na paaralan, naibigay na niya ito sa kanyang nasasakupan. Murang serbisyo sa ospital para sa mahihirap ang kanyang pinatupad. Apat na ulit siyang na halal bilang alkalde sa labing-pitong taong panunungkulan. Binigyang tuon ni Robert Greene sa kanyang “Apatnapu’t Walong Batas ng Kapangyarihan” na may dalawang dahilan kung bakit nagtatagal ang isang pinuno: una'y dahil sa manipulasyon ng kapangyarihan at pang-gigipit sa mamamayan gamit ang diktatoryal na sistema, kung saan ang pinuno'y kinatatakutan at kinamumuhian. Ang pangalawa naman ay dahil may pinapatunguhan ang kanyang mga hakbang at nagtatapos naman siyang may magandang pangalan dahil minamahal siya ng kanyang nasasakupan. Sana'y natapos na noon ang kanyang karera sa politika kung hindi siya minahal ng tao, pero makailang ulit siyang pinarangalang pinakamahusay na alkalde sa bansa. Natapos ang kanyang pagiging alkade ng patalsikin ng bagong administrasyong Aquino ang lahat ng lokal na opisyal noong 1986. Pinigilan ito ng mga mamamayan ng San Juan sa kagustuhan nilang manatili ang kanilang alkalde. Pero iginalang ni Estrada ang sistema at bumaba.

1987 ay tumakbo siya sa Senado sa hanay ng oposisyon. At kahit dalawa lamang silang nanalo, pinatunayan niyang may boses ang masang nagluklok sa kanya. Ilan lamang sa mga batas na naipasa niya ay ang SB 6878 o Pambansang Programa sa Irigasyon, Pagpapamura ng gamot sa pamamagitan ng pag-alis ng “patent” at pakikipagugnayan sa mga katutubo ukol sa mga lupaing ibibigay ng pamahalaan para sa kanila.

Muli niyang ipinakita na hindi lamang siya puro salita ukol sa kanyang makabayan na layunin. At sa kanyang mga proyekto hindi lang mahihirap ang nakinabang kundi ang mas nakararami kung kaya’t tinanghal siyang isa sa tatlong pinakamahusay na senador sa kanyang termino. Sa dami ng kanyang mga nagawa, 1989 pa lamang ay siya na ang nangunguna sa “SWS Survey” para maging pangulo sa 1992. Ayon kay Dr. Zeus Salazar, kahit siya ay nagmula sa mga elit tinanggap siya ng bayan dahil sa likas niyang pagpapahalaga sa mahihirap

1992 ay umakyat na siya sa pagiging bise president kung saan mas mataas pa ang nakuha niyang boto kumpara sa naging presidente noon na si FVR. Tinanggal niya ang sistema ng padrino at nang nagsimula siyang pahawakin ng PAOCTF (Presidential Anti-Organized Crime Task Force) inayos niya ang sistema ng seguridad sa bansa, nabuwag ang iba’t ibang sindikato ng droga at “kidnapping”. Inaksyonan niya ang mga mapagsamantalang hukom at mga opisyal. Muli, naging positibo ang pananaw ng taong-bayan sa pulisya na noon ay sampung taon nang negatibo.

Sa unang taon lamang ng kanyang panunungkulan kinilala na siyang “Man of the Year” Binanggit ni Sun Tzu sa kanyang “Sining ng Digmaan” na ang dalawang sukatan ng husay sa pumunuan ay makikita sa bilis ng resulta ng kanyang mga proyekto at sa natamo nitong katanyagan; pareho itong nakuha ni ERAP.

Ang kanyang agresibong kampanya na pagsilbihan ang masa ay kumuha sa atensyon ng lipunang elit sa Pilipinas, at nang nagsimula na ang kampanya para sa pagkapangulo unti-unti na siyang hinatak ng mga elit pababa. Ito na rin ang punto kung saan naki-alam ang Simbahang Katoliko sa pagsambit ni Jaime Cardinal Sin sa mga katagang. “Kahit sino wag lang si ERAP”.

Sinabi ni John Perry Barlow na ang tiwala ng tao sa pamahalaan ay makikita sa paglipat ng pamunuan. Hindi magiging pangulo ang isang pangalawang pangulo hanggat di niya napapatunayan sa mga tao na may magagawa nga siya. Sa kaso ni ERAP, ‘di siya nakinabang sa makinarya ng administarsyon bagkos ay hinatak pa siya nito pababa. Ngunit tao ang nagluklok sa kanya at nahalal siya bilang pangulo na may pinakamalaking lamang sa kasaysayan ng eleksyon sa bansa.

Simula pa lamang ng kanyang pamumuno ay tinanggal na niya ang mga oportunistang proyekto na hindi naman na-aakma sa kalagayan ng bansa noon. Ito rin ang mga proyektong kumakain ng karamihan sa pera ng bayan. (halimbawa: Centennial Expo, PEA AMARI, AFP Modernization, RSBS Pension fund, IPP-PPA). Tinanggal niya ang mga tiwaling opisyal sa hanay ng militar at mga pulis. Ginawa niya ito sa pagnanais na ibalik ang tiwala ng bayan sa pamahalaan at hindi naman siya nabigo. Ngunit nagsimula nang umalma ang lipunang elit sa sunud-sunod niyang tagumpay.

Tinigil niya ang pag-angkat ng kuryente at mga patungan na nanggagaling sa labas upang bigyan ng pagkakataon ang mga lokal na “power producers”. Pinigilan niya ang pagtaas ng mga pasahe, pinamura ang mga bilihin gaya ng gamot. Binuhay ang iba’t ibang industriyang may potensyal upang makagawa ng trabaho gaya ng “dairy products processing”. Sinimulan ang malawakang pabahay para sa mahihirap at edukasyon para sa mga walang pambayad. Sa katahimikan nama’y natamo ang pinakamababang insidente ng krimen kumpara sa nakaraang sampung taon. Ipinagpatuloy din niya ang opensiba na nagpaatras sa mga MILF.

Ayon kay Corazon Aquino, namuno siya ayon sa mas ikabubuti ng mas nakararami. Ang kanyang mga polisiya ay nakatuon sa paghatak sa mahihirap dahil batid niya na narito ang problema. Isa sa kalakasan ni ERAP ay ang galing niya sa pakikisama. Ang pagpili niya sa tao na lalapitan ang isa sa kanyang mga bentahe - alam niya kung sino ang na-aakma para sa isang gawain. Habang unti-unti ng umaangat ang masa, ‘di natuwa ang mga malalaking negosyante. Ito ang mga kalabang kanyang nilikha kapalit ng taos puso niyang paglilingkod sa bayan.

Ang naging mitsa ng kanyang pagbagsak ay ang mga isyu sa Jueteng, isang sugal na parte ng malaking lagayan sa mga politiko noon pa man. Kahit na pinapakinabangan na ng ERAP Youth Foundation ang nakukuhang salapi mula rito, sa ilalim ng superbisyon ng mga abogado mula sa iba't ibang istitusyong akedemiko bilang “board of trustees” nakita parin ni ERAP ang pangangailangang buwagin ang nasabing sugal. Kaya sinumulan niyang isa-legal ang lahat sa pamamagitan ng “2-Number Game” ng PCSO.

Sa ganitong hakbang mapupunta ang mga sinasabing mga lagayan sa kaban ng bayan. Di makakapagsamantala ang mga maykapangayarihang tumatanggap ng payola dahil dadaan na ang lahat sa pagsusuri at pagkukwenta. Dito na nagalit ang mga tiwaling politiko at nagsimula ng bumaligtad sa kanya. Nauna sa Chavit Singson sa pagdawit sa kanya sa jueteng. Ito ay naging pagkakataon upang simulan ang pagsasabwatan ng mga elit at makapangyarihan na nagtuloy-tuloy sa kaso ng "impeachment" at hanggang sa pagnakaw ng kapangyarihan sa EDSA dos.

Naging malaking dagok sa pamahalaan ang pagnakaw ng kapangyarihan. Ayon kay Machiavelli, ang sumpa ng ganitong pangyayari ay napuputol ang mga proyekto at di nasusundan ng maayos ang takbo ng yaman dahil sa patong-patong na sisihan. Ano nga bang nangyari sa EDSA dos at legal ba ang mga naganap.

Nagbotohan noon ang mga senador kung bubuksan nga ba ang ikalawang sobre, nang nanalo ang aksyon na hindi ito buksan sa kadahilanang ito'y hindi kaugnay sa reklamo. Umalis sa Senado ang ilan sa mga senador at nagtungo sa lansangan, di natapos ang paglilitis ng impeachment. Nagtipon sila sa EDSA sa pagnanais patalsikin si ERAP. Ang mga mangangalakal, mga “text generation” na kabataan, at mga politiko ay magtutungo na noon sa Malacañang. Umalis si Estrada sa palasyo dahil sa pangambang dumanak pa ang dugo. At sa EDSA naman ay nanumpa si GMA bilang bagong pangulo.

Ayon kay Kgg. Cecila Muñoz Palma, pinuno ng lipon na gumawa ng Saligang Batas ng 1987.

“The 1987 Constitution suffered when the ongoing impeachment trial of ERAP was unceremoniously disrupted and discontinued. The issues on hand were brought to the parliament of the streets. The rule of law was set aside and the rule of force prevailed.”

Naging kabiguan sa proseso ng hustisya ang mga naganap. Ang punong ministro noon ng Singapura na si Lee Kuan Yew ay nabanggit na:

“The change of power in the Philippines was no boost for the democracy because it was done outside the constitution.”

Dala ng pangambang makasuhan ukol sa legalidad ng kanyang pamumuno, inalok ni GMA si ERAP na magbitiw bilang pangulo, walang ikakaso sa kanya at madadala niya lahat ng ari-arian niya kahit saang bansa niyang maibigan. Sa ganitong paraan magiging malinis ang pagnanakaw ng kapangyarihan na kanyang ginawa. Ngnunit tinanggihan ito ni ERAP.

“Yung milyong milyong bumoto sakin, di ko pwedeng talikuran, di ko sila maaring iwan. Kahit ikulong niyo ako, di ako aalis.”

Ito ang tugon ni ERAP sa alok ng pamahalaan. At sa pagtangging naganap labing walong kaso kagad ang ibinato sa kanya kasama na ang pandarambong. Nilitis siya sa isang binuong “special court” wangis ng korteng ginamit upang maipakulong si Ninoy Aquino. Walang matibay na ebidensya ang naipakita at ang batayan lamang ay ang sanaysay ni Singson. Pero anong magagawa niya kung ang mga taong nagpatalsik at numakaw ng kapangyarihan ang siyang tumayong mga taga-usig? Nang mahatulan siya at makulong, binuksan ang kontrobersyal na sobre. Ang laman nito ay ang kasulatang hindi kay ERAP ang “Jose Velarde Account” kundi kay Jaime Dichavez. Ngunit naging tikom ang media tungkol sa isyung ito at di nalaman ng karamihan ng mga mamamayan.

Sa pagkakakulong ni ERAP umusbong ang EDSA tres. Ibang imahe ang natunghayan ng bayan sa sumunod na rebolusyon – ang tugon ng bayan laban sa EDSA dos ni Arroyo. Mga manggagawa at mga maralita ang nagtipon. Naging madugo at biyolente ang mga pangyayari. Kung tunay ngang galit ang bayan kay ERAP nakakagulat na halos madoble nang EDSA tres ang dami ng tao sa EDSA dos.

Nanatili paring nakakulong si ERAP. Di dahil nasa panig ng mga nagpatalsik sa kanya ang katotohanan, kundi dahil sa dahas na pinakita ng administrasyong Arroyo sa masa. Limitado man ay patuloy pa rin siya sa pagtulong sa mga Pilipino. Sa Tanay, Rizal ay nagsimula si ERAP iba’t ibang programang nagbibigay pagkakataon sa mga mamayan gaya ng “livelihood program” at pamimigay ng mga binhi at alagang hayop.

Kung pambansang desisyon ngang kriminal si ERAP, hindi na dapat pinahintulutan ng bayan na maluklok pa sa kapangyarihan ang ibang Estrada. Pero anong nangyari? Pawang naging senadora at sendor ang kanyang asawa't anak. Mula rito makikita ang tiwala ng mas nakararami para sa napatalsik na pangulo. Matapos ang anim at kalahating taon na pagkakabilanggo, pinalaya si ERAP at ibinalik ang lahat ng karapatan niya bilang isang mamamayang Pilipino.

**Parte sa mga karapatang ito ay ang tumakbo muli sa eleksyon at hindi ko na tatalakayin ang tunkol sa legalidad ng kanyang pagtakbo dahil matagal na iyong napagpasiyahan.

Sa kanyang pagkawala naging pangalawa ang Pilipinas sa pinakatiwaling bansa sa mundo. Napuno ng kontrebersya ang pamahalaan. Batid niyang watak-watak na ang oposisyon dahil sa nasabing korapsyon, kung kaya’t naisipan niyang tumakbo muli bilang pangulo. Kinakailangang mapigilan ang patuloy na pagpapalawak ng makinarya ng rehimeng Arroyo na ngayon nama’y tatakbo bilang kongresista. Saan kaya tutungo ang mga susunod na pangyayari kung kaanib ng administrasyon ang magwawagi?

Sinabi ni Sun Tzu na sa pagpili nang magiging pinuno, mas mainam ang isang taong may dapat patunayan pagka’t di ka niya bibiguin, kumpara sa isang pinunong may mabuting pangalan dahil ang tanging landas na tatahakin niya ay ang kasiraan. Malinaw naman ang motibo ni Estrada sa pagtakbo at yun ay upang ituloy ang kanyang mga naudlot na makabayang programa. Magnanakaw ba siya para muling litisin? Sasayangin pa ba niya ang pagkakataong matupad ang kanyang mga pangako? Dagdag pa ni Prof. Leila Abarquez, ng Kolehiyo ng Ekonomika at Pamamahala ng UPLB: Pagdating sa pamamahala ng isang bansang tulad ng Pilipinas, di natin kailangan ng taong may natatanging larawan ng talino’t moralidad, hindi naman siya ang mag-isang lulutas ng lahat ng suliranin ng bayan; ang mahalaga’y nakakaugnay siya sa tao at alam niya kung sino ang tatakbuhan para sa isang problema.

Kung sasabihin ngang naging tiwali siya sa una niyang panunungkulan, bakit ni isa sa kanyang gabinete ay di nasangkot sa kahit anong anumalya? Kung nagpayaman nga lamang siya sa kanyang termino at naging sampung beses ang kanyang yaman mula 1969 ayon sa media, bakit walang maiharap na anumalya ang mula sa kanyang dalawampu’t tatlong taong karera sa politika bago siya naging pangulo? Isa pa’y gaano na nga ba ang ibinaba ng halaga ng Piso mula 1969 para ihambing ang salapi sa dalawang magkaibang panahon? Mula rito’y makikita kung paano pinagkakitaan ng media ang pagsira sa imahe ni ERAP. Binaggit ni Maluo Mangahas na para sa isang pangulong lilitisin, ang epekto nito sa tao ay para na rin siyang nahatulan. Natural, maghahanap ang tao ng impormasyon. At kung mas maraming impormasyon at mas matagal ang magiging isyu, mas makakabuti ito sa media. Kaya lumabas ang pagiging sugarol, babaero, at iba’t ibang kasiraan pa ni ERAP na kung tutuusin ay nalalayo naman sa kakayahan niyang mamuno.

Ukol sa kanyang mga babae, pinanagutan naman niya lahat ng kanya anak. Ang immoral ay kung hindi niya ito kinilala at hindi siya sa piling ng asawa niya tumitigil sa kasalukuyan o pinapangalandakan pa niyang mabuti ang pambababae. Ilang taon na ba si JV Ejercito na anak niya mula kay Guia Gomez, at gaano na katagal ang huling pambababae ni ERAP? “Nagkakaroon na lamang ng ugnayan sa iba’t ibang mga pamilya dahil sa mga anak at bukas naman kami sa isa’t isa, mambababae pa ba siya kung nakatingin sa kanya ang buong bansa?” - ito ang binanggit ni Loi Estrada sa isang panayam. Kung babanatan naman siya sa linya ng moralidad na ang isang taong nagkaroon ng maraming anak sa iba’t ibang babae ay di na-aakmang mamuno sa bayan dahil di siya magandang halimbawa, mawawala na ang puwang sa pagbabago ng isang tao at di sana’y lahat na ng nagkasala sa batayang moral ay di na-aakma para maging pinuno. Nakasaad sa “Republika” ni Plato na sa isang demokratikong sistema, kung gagamitin ang moralidad bilang saligan ng pagpili ng pinuno – magiging marupok ang pamahalaan, tataas ang tensyon at lalaki ang agwat sa mga tao sa lipunan; ito’y dahil ang pamahalaan ay binubuo lamang ng tao at ng kanyang mga kahinaan.

Ang saglit na “video” ni ERAP sa Casino Filipino ang paulit-ulit na pinalabas sa telebisyon upang palakasin ang akusasyon ng jueteng na binaggit ko na kanina; samantalang hindi naman siya naroon para habitwal na magsugal gamit ang pera ng bayan kundi kasama ng mga malalaking tao sa larangan ng komersyo bilang parte ng kanilang mga diskusyon ukol sa iba’t ibang proyekto. Ayon kay Sun Tzu, may iba’t ibang paraan upang maligawan ang mga kapangyarihan ng lipunan: kumain ka sa piling ng masa at di ka nila iiwan, makipaglaro ka ng sugal sa mga mangangalakal at makikinig sila sa iyo at makipaginom ka sa mga sundalo at ipaglalaban ka nila. Makikita din na matapos ang “video” na ito, hindi na nasundan ng "media" ng mas konkretong ebidensya ang pagiging sugarol ni ERAP at nagpatuloy na lamang sila sa paglakip ng salitang sugarol sa kanyang pangalan.

Kung magkakaron ng ebaluwasyon kay ERAP ayon sa pamantayang isinaad ng Bibliya, ito ang mga puntong matatagpuan:

Kakayahan (I Tim. 3:10) – Kung gagawing isyu ang kanya edad, paano na lamang sina Lee Kuan Yew at Ronald Reagan na pawang tiningala sa kanilang pamumuno. Pareho din silang mas matanda kay ERAP sa panahon ng kanilang panunungkulan at hindi naman ito naging balakid sa kanilang paglilingkod. Wala namang kapansanan sa utak si ERAP kaya di naakamang isyu ang kanyang edad. Mas dapat bigyang halaga ang kakayahan niyang makipag-ugnayan sa masa at kakayahang tanggihan ang alok ng mga elit.

Karanasan (I Tim. 3:10) – Siya lamang ang dumaan mula sa lokal, lehislatibo, at naging pinuno na ng ehekutibo sa lahat ng mga kandidato. Sa tagal ng pakikisalamuha ni ERAP sa iba’t ibang mukha ng kahirapan siya ang nakalalamang kumpara sa kanyang mga kalaban. Sa dami ng proyektong kanyang nagawa,batang napag-aral, batas na naipasa, at sindikatong napatumba. Siya lamang ang may maipagmamalaki. Hindi yung tipong nagpapalit lamang ng pangalan ng lansangan. Ang kanyang karanasan ay nagbigay din sa kanya ng karunungan kung paano gumagana ang sistema ng mga sangay ng pamahalaan. Alam niyang may tinatawag na “chain of command” na sinusunod ang sandatahang lakas at hindi niya diniktahan ang mga sundalo para umatras upang magpabango ng pangalan.

Karakter (I Tim. 3:4, 7) – Binaggit ng dating pangulo ng UP na si Dr. Emil Q. Javier na isa sa mga pangunahing bentahe ni ERAP ay ang mausisa nitong karakter. Pag di niya alam ang gagawin sa isang bagay di siya nagaatubiling lumapit sa mga eksperto. Alam niya ang kahalagahan ng pangmatagalang proyekto sa agrikultura at siya lamang ang pangulong makikita mong lumalapit sa iba’t ibang institusyong akademiko para magtanong ng maimumungkahi nilang proyekto. “Disregarding the pressure given by the elite media, characterwise ERAP is the best among the candidates. Palibhasa pag off-cam di nila alam kung paano gumalaw si ERAP, kung paano siya minamahal ng mga taong nakapaligid sa kanya” - dagdag ni Boots Anson Roa. Kailanman walang reklamong lumabas mula sa mga empleyado niya ukol sa problema sa ugali o dahil sa pikon siya, di tulad ng ibang kandidato.

Plataporma (Kawikaan 29:18) – kung paghahambingin ang mga plataporma ng mga kandidato si ERAP lamang ang may malaking bahagi na nito ang nasimulan na. Binaggit na rin ni Corazon Aquino na dahil sa agresibo niyang hakbang para isakatuparan ang plataporma niyang para sa mas nakakarami, umalma ang lipunang elit at inilaglag siya. Kung tuna’y ngang makamahirap ang ibang kandidato bakit may mga proyekto tulad ng “C-5 extension” na isang malaking patunay na pag-gamit ng kapangyarihan para sa pansariling interes ayon kay Prof. Winnie Monsod. Paano din malulutas ang kahirapang pambansa ng isang taong di magawan ng paraan ang naghihirap na mga magsasaka sa sarili niyang lupa?

at Koneksyon (I Corinto 15:33) – Binigyang punto ni Machiavelli na isa sa sukatan ng pamunuan ay ang samu’t saring ugnayang matatagpuang sa paligid ng kapangyarihan, sapagkat mula rito mauugat kung gaano kadaming yaman ang nawawala para gumana ng matahimik ang sistema. Ano nga ba ang masasabi sa mga taong nakapaligid kay ERAP? Mga gabineteng walang anumalyang natamo, mga eksperto’t siyentipiko sa iba’t ibang larangan, at ang masang Pilipinong nakakaunawa ng malaking pagbabagong naramdaman nila. Di ba nakakapagtakang magkaiba ang sinasabi ng "media" sa tugon ng taong sumasalubong kay ERAP?

At bilang pagbubuod, hayaan ninyong isa-isahin ko ang bawat puntong matatagpuan sa akda. Una ay ang pamantayan sa pagpili ng pinuno, hindi sapat ang galing o talino bilang batayan dahil hindi naman mag-isang gagawin ng pangulo ang lahat. Ang mahalaga’y may kakayahan siyang makipag-ugnayan at taos puso ang kanyang pagsisilbi dahil batid niyang mas mataas ang mamamayan sa kanya. Di rin matibay na batayan ang moralidad at kasalukuyang imahe; makikita sa panahon ni Charlemagne kung paano natamo ng Romano Katoliko ang kapangyarihan sa Europa. Ito'y hindi dahil sa pamantayang moral kundi sa ugnayang panlabas at dahas.

Pangalawa ay ang lumalawak na agwat ng bayan at ng lipunang elit. Idagdag pa ang mga aksyong ginawa ng elit upang labanan ang progresibong layunin ni Estrada para sa masa. Batid ng mga elit na malaki ang ma-aambag ng gitnang uri para sa pagpapaunlad ng masa kung kaya’t ginamit nila ang “mass media” upang magamit ang “middle class”. Resulta na lamang ay ang EDSA dos. Kailangan natin ng pinunong walang tatanawin ng utang na loob sa mga elit. Dahil kung ganoon, patuloy lamang lalawig ang mapaminsalang agwat, yayaman ang mayayaman at malulugmok ang sa kahirapan karamihan. Bakit di natin pagmasdan ang taga-suporta ng ibang kandidato? Sino ba ang kandidato ng mga negosyate't makapangyarihan?

Pangatlo ay ang oportunistang hakbang ng "mass media" at pagiging alipin nito ng mga elit. Nagamit ng husto ng mga maykaya ang “media” upang makuha ang kapangyarihan mula sa bayan gamit ang iba’t ibang lantaran at indirektang paninira kay Estrada. Ang simpleng pagsambit sa mga balita ng mga katagang "..the impeached president ERAP" ay isa nang malaking panlilinlang. Bakit? Una, di naman natapos ang kaso ng impeachment. Pangalawa, ito'y nagpapagulo sa isyu ng kanyang pagkakakulong, dahil di naman siya nakulong sa hatol ng "impeachment" at hindi rin siya napatalsik dahil sa "Jose Velarde Account". Iba pang halimbawa ay ang pag-gamit ng mga larawan ni ERAP na may langaw sa ilong, nakapitkit, at paglitaw ng samu’t saring ERAP jokes sa telebisyon. Hindi direkta ngunit anong aasahang implikasyon ng mga ito sa tao? Isa pa’y kakaunting tao lamang ang naglalaan ng oras para magsaliksik ng katotohanan; kadalasa’y telebisyon ang pinakmadaling napagkukunan ng impormasyon ng bayan kung kaya't tunay ngang makapangyarihan itong kasangkapan upang ma-manipula ang sikolohikal na estado ng mga manonood.

Pang-apat ay ang pagwasak na ginawa ng rehimeng Arroyo sa ating demokrasya. Simula pa lamang ay ninakaw na niya ang kapangyarihan. Sa siyam na taon ay lumala ang korapsyon at wala naman siyang nagawa sa jueteng. Lumayo ang puso ng mamamayan sa pamahalaan at inaasahang magpapalawig pa siya ng kapangyarihan sa kanyang pagtakbo sa kongreso pagkatapos ng kanya termino. Ito ang dapat nating mapigilan kung nais nating maagapan ang tuluyang pagkabulok ng sistema. Ang rehimeng Arroyo ay matibay sa piling ng mga elit at mga panginoong may lupa. At sa kasalukuyang eleksyon sino-sino ba ang may kaugnayan sa mga elit at panginoong may lupa? Nariyan ang mag-pinsang kandidato mula sa angkan ng mga panginoong may lupa sa gitnang Luzon at Mindanao. Sino-sino nga ba ang mga kasbawat sa pag-agaw ng kapangyarihan noong EDSA dos. At sa gitna ng samu’t saring panlilinlang na matatagpuan sa telebisyon, sino nga ba ang tunay na oposisyon? Ang oposisyon bang nakikipagsabwatan sa partidong komunista upang lumakas ang impluwensya o ang oposisyong inagawan ng kapangyarihan dahil sa tapat na paglilingkod at di pagtanaw ng utang na loob sa mga elit? Ang komunismo ay namumuhay lamang sa kahinaan ng demokrasya ayon sa panulat ni Gen. Jose Crisol, tagapayo ng dating pangulong Magsaysay. At kung mabibigyan ang magkasalungat na paksyon ng parehong kapangyarihan sa isang rehime walang katatagang aasahan mula rito ayon kay Sun Tzu.

At pang-lima ay ang katotohanang di nagtatapos ang obligasyon natin bilang isang Pilipino sa pagboto. Kailangan nating maging mapanuri upang di tayo magamit ng mga makapangyarihang tao. Dapat din nating mapangalagaan ang nalalabing demokrasyang meron tayo at pigilan ang mga tangkang mahaluan ito ng mga bagay na kamukha nito, gaya ng inaalok ng "elite media" sa tao. Ang ginhawa ay di matatamo sa pagpapalit ng isang buktot na pinuno lamang, kundi sa pagtulong ng mamamayan sa pagayos sa winasak na landas patungong kaularan. Sa paglalantad ng mga kahinaan ng bayan lamang mahahanapan ng lunas ang isang naghihingalong bansa ayon kay Dr. Jose Rizal.


Para sa mas komprehensibong pagsusuri ukol sa mga nabanggit na isyu:

Pagsusuri ni Prof. Winnie Monsod sa "C-5 extension"
http://www.youtube.com/watch?v=nUQDt-sXdlk

Isang Paglingon sa Hacienda Luisita Massacre
http://www.facebook.com/video/video.php?v=118935134783780&ref=mf

Mga hakbang na ginawa ni Gordon
http://propinoy.net/2010/02/19/red-cross-international-warns-gordon/

No comments:

Post a Comment

REMINDERS:
- Spamming is STRICTLY PROHIBITED
- Any other concerns other than the related article should be sent to generalkuno@gmail.com. Your privacy is guaranteed 100%.